Hinatulan ng korte ng Navotas ngayong Martes, Pebrero 27, ang isang dating pulis ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong sa kasong homicide hinggil sa pagpatay noong Agosto 2023 kay Jemboy Baltazar,17-anyos na pinagbabaril matapos mapagkamalang suspek sa isang krimen.
“Ano po ‘yung buhay ng anak ko ano lang, parang aso lang o kaya pusa na ilang ano lang nila paghihirapan tapos parang wala silang ginawa. Parang nasaan po ‘yung hustisya, ‘yung katarungan para sa anak ko?” pahayag ni Rodaliza Baltazar, ina ni Jemboy Baltazar.
Sinabi ni Rodaliza Baltazar, ina ni Jamboy, na hinatulan ng korte ng apat na taong pagkakakulong si dating Police Staff Sergeant Gerry Maliban. Ang kasong isinampa laban sa kanya ay murder.
“Siya po apat na taon lang siya makukulong. ‘Yung anak ko habang buhay na wala. Pinagtulong-tulungan nila ‘yung anak ko barilin tapos ano? Gano’n lang? Makakalaya lang sila,” sabi ni Rodaliza.
“Sana maramdaman nila din ‘yung nararamdaman ng pamilya ko ngayon na sobrang sakit na pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” dagdag ni Rodaliza.
Hinatulan din ng korte sina E/MSgt. Roberto Balais Jr., SSgt. Nikko Esquilon, Cpl. Edmark Jake Blanco, at Pat. Benedict Mangada dahil sa illegal discharge of firearms.
Sa imbestigasyon, sinabi ng pulisya na ito ay isang kaso ng mistaken identity. Ilan sa anim na pulis na unang naiulat na sangkot sa insidente ay nagsabi sa kanilang mga affidavit na nagpaputok sila ng baril sa tubig at hindi nila sinasadyang tamaan si Baltazar.