(Phot courtesy by Philippine Coast Guard)
Palutang-lutang at walang laman nang maispatan ang aluminum boat na umano’y sinakyan ng apat na nawawalang Philippine Coast Guard (PCG) rescue personnel kahapon Hulyo 30, 2023 sa karagatang sakop ng Barangay Fuga, Aparri, Cagayan.
Sa ulat ng Coast Guard District North Eastern Luzon, nakita ang nasabing aluminum boat ng mga crew ng MV Eagle Ferry habang naglalayag sa karagatang sakop ng Calayan Island.
Salaysay ng kapitan ng MV Eagle Ferry, walang sakay na tao at palutang-lutang PCG rescue boat may pitong milya ang layo mula sa nasabing isla.
Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang malawakang aerial at surface search and rescue operations para mahanap ang apat na PCG rescuers.
Pupuntahan ang M/T Iroquois ng mga ito upang sagipin ang pitong tripulanteng sakay ng naturang tugboat at habang binabaybay ang Cagayan River, tumaob umano ang kanilang sinasakyang aluminum boat bunsod ng malakas na hangin at malalaking alon sa kasagsagan ng Bagyong ‘Egay’ noong Hulyo 26.
—Mores Heramis