Hanggang binti ang baha sa isang lugar sa Pampanga. (Photo courtesy of Pampanga Provincial Government PIO)
Apat na bayan sa Pampanga ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pagbaha dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dala ng bagyo at hanging habagat.
Batay sa ulat ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang sa mga nasa state of calamity ang mga bayan ng Macabebe, San Simon, Sto Tomas at San Luis.
Nalubog sa baha ang naturang mga bayan sa kasagsagan pa lamang ng hagupit ng super bagyong ‘Egay.’
Sa ulat ng PDRRMO, aabot sa 22 barangay sa 16 na munisipalidad ng probinsya ang lubog sa baha.
Sa tala naman ng Office of Civil Defense (OCD)-Central Luzon, mahigit 189,000 pamilya ang apektado ng pagbaha sa Region 3.
Patuloy rin ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong residente.
Matatandaang nitong nakalipas na linggo ay lumabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Egay subalit patuloy naman sa pagbibigay ng ulan ang hanging habagat hanggang sa makapasok sa bansa ang ikaanim na bagyo na pinangalanang ‘Falcon.’
Samantala, patuloy rin ang isinasagawang pagsubaybay ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando, sa mga lugar na apektado ng Egay.
Nasa state of calamity na rin ang ilang bayan sa Bulacan dahil sa labis na pagbaha.
Ayon sa ulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), 134 na barangay sa 12 bayan at siyudad sa probinsiya ang lubog sa baha.
Dalawampu’t anim na barangay sa Calumpit, 29 sa Malolos, 13 sa Meycauayan at tiglilima sa Bocaue, Obando at San Rafael ang binaha, ayon sa PDRRMO.
Sa kabilang banda, sa bisa ng Memorandum No. 358 na nilagdaan noong Hulyo 30, sinuspinde na rin ng gobernador ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan, maging ang pasok sa pampubliko at pribadong tanggapan ngayong Hulyo 31, upang mapangalagaan ang kalusugan at matiyak ang kaligtasan ng mga Bulakenyo.
Gayunman, tuloy pa rin ang trabaho sa mga tanggapang nagbibigay ng tulong sa panahon ng kalamidad at kagipitan.
—Baronesa Reyes, may ulat ni Noel Sales Barcelona