Tumanggap ang mahigit 3,000 residente ng Siquijor ng tulong na P1,000 cash at bigas nitong Linggo, Pebrero 18, mula sa isang programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga mamamayan.
Ang Cash and Rice Distribution (CARD) Program ay proyekto ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ni Secretary Rex Gatchalian bilang tugon sa hamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas na magbigay ng libreng bigas at tulong pinansyal sa mga komunidad.
“It (rice) is a staple in every Filipino’s diet. No Filipino meal is complete without rice. That is why we at the House of Representatives have gone to great lengths to ensure that this staple remains within the reach of the common Filipino,” ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
“Binuo natin ang programang CARD upang manatiling abot-kamay ang bigas sa ating mga kababayan, partikular dito ang mga matatanda, mga may-kapansanan at iba pang mga sektor na disadvantaged. Ngayong araw, hindi lang kayo tatanggap ng bigas, tatanggap din kayo ng tulong-pinansyal na maaaring gamiting puhunan para sa inyong kabuhayan,” ani ni Romualdez.
Nagpasalamat siya sa DSWD sa pangunguna sa pagpapatupad ng proyektong ito, dahil ang tulong ay nasa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng departamento.
Tinutukoy ng DSWD ang lahat ng benepisyaryo, kabilang ang mga senior citizen, PWD, solo parents at IPs.
“Maraming salamat po sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa inyong pakikiisa at agarang pagtalima sa adhikain ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na ang lahat ng Pilipino’y may sapat na pagkain,” sabi ni Romualdez.
Inilunsad ang CARD Program sa Metro Manila kung saan ang bawat isang legislative district ay mayroong 10,000 benepisyaryo o katumbas ng kabuuang 330,000 residente kasama ang Biñan City at Sta. Rosa sa Laguna.