Ibinahagi ng businessman at rapper na si Boss Toyo sa kanyang vlog ang pagbili niya ng kabaong na ginamit ng actor na si Dingdong Dantes sa pelikulang “Rewind” sa halagang P250,000.

“Sir Dingdong, alam ko nanood ka lagi ng ‘Pinoy Pawnstar’ so dito sa harapan ko ‘yung hinigaan mo sa ‘Rewind’, I hope ‘pag nagkasundo kami ni sir, pasyalan mo naman ako sa aking munting shop para mapirmahan mo,” sabi ng kilalang vlogger na si ‘Boss Toyo.’

Dinala ni Pasky Ilagan na may ari ng St. Athanasius Memorial Chapel ang metal casket sa pawnshop ni Boss Toyo. Nagpakita pa ng video si Ilagan bilang patunay na ito nga ay ginamit Dantes sa kanyang movie.

Walang inaksaya na oras si Boss Toyo at tinanong agad ang selling price nito. Agad naman na sinagot ito ni Ilagan na 1M niya ito inaasahan na mabenta. Sa dulo ay isinara ng dalawa ang deal sa P250,000.

Noong una, umalma si Boss Toyo sa presyo dahil masyado daw itong mahal. Subalit pagkatapos ng kanilang negosasyon ay nagkasundo silang dalawa sa presyo na P250,000.

Ulat ni Erika May Lagat (Intern)