Patay ang dalawang lalaki habang kritikal naman ang isa pa sa banggaan ng bus at motorsiklo nitong Sabado ng madaling araw, Hulyo 29, sa Atimonan, Quezon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rafael Sta Rosa, driver, at angkas nitong si Jehron Sayson.

Kritikal naman sa Doña Marta Memorial District Hospital ang isa pang angkas na si Vincent Delos Santos.

Batay sa ulat ng Calabarzon Police, naganap ang insidente dakong 12:12 ng madaling-araw sa Maharlika Highway, Barangay Tagbakin, Atimonan, Quezon.

Binabagtas umano ng Yulong truck bus na minamaneho ni Ramon Contreras ang Maharlika Highway patungong Bicol nang mabangga ang kasalubong na motorsiklo pagsapit sa pakurbang daan.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon sa motorsiklo ang tatlong biktima kung saan napuruhan ang dalawa sa mga ito.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang kasamahan ng mga ito na patuloy na nilalapatan ng lunas.

Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver ng truck na ngayo’y nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at physical injury and damage to property.

—Baronesa Reyes