Itinanggi ni Cebu City Mayor Michael Rama ang ipinost sa isang social media page na ang kanyang convoy ang bumangga at nakapatay sa isang 23-anyos na basketball player habang ito ay sakay sa motorsiklo sa Barangay Kamputhaw noong Linggo, Pebrero 4, ng umaga.
“Wa gani koy kalibutan. Tua ko sa Bohol (Wala akong alam dyan, nasa Bohol ako)” sabi ni Rama.
Sinabi ni Rama na magsasampa siya ng reklamo laban sa mga nasa likod ng El Filibusterismo Facebook page, na nagpost na ang kanyang convoy ay sangkot sa hit-and-run incident sa kahabaan ng Queens Road malapit sa Redemptorist Church, na ikinamatay ni Jeslar Uriel Larumbe na sakay ng kanyang motorsiklo noong mga oras na iyon.
Samantala, nakakalap ng impormasyon ang Cebu City Police Office (CCPO) hinggil sa responsable sa pagkamatay ni Larumbe.
Ayon sa pulisya, nabangga si Larumbe ng isang gray sports utility vehicle (SUV) na may mga blinkers at sirena subalit agad itong tumakas mula sa lugar nang mangyari ang insidente.