Nag-aalala ang mga binahang residente ng Davao Region sa pagdami ng mga kaso ng leptospirosis sa rehiyon simula noong salantain ng walang tigil na malakas na ulan ang rehiyon nitong nakaraang buwan, ayon sa DOH-Region 11.
Ayon sa Department of Health (DOH)-11, noong Enero 1-27 ay nakapagtala ang kagawaran ng 34 na kaso ng leptospirosis kung saan dalawa sa mga ito ang nasawi.
Ang bilang ay 48% na mas mataas sa 23 kasong naitalaga sa parehong panahon noong 2023.
Pinakamaraming na-leptospirosis sa Davao de Oro, kasunod ang Davao del Norte, na parehong grabeng sinalanta ng malawakang baha at pagguho ng lupa sa nakalipas na mga linggo.
“Ang leptospirosis is gikan sa bacteria nga leptospira. Makuha na siya sa katung mga infected na animal mga secretion sa animal. Pag naa siya sa usa ka animal, unya ang kato siya na animal mag-come in contact with tao ang kato siya na tao ma infect pud with leptospirosis. Everytime nga naay pag-ulan, usa ni siya sa atong ginabantayan nga disease,” sabi ni DOH Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) Head, Dr. Rachel Pasion.
Kabilang sa mga paunang sintomas ng leptospirosis ang pananakit ng katawan, lagnat, at sakit ng ulo, pero kapag malala na, ang pasyente ay nagsusuka, nagtatae, at dumaranas ng dehydration.