Personal na inendorso ni House Speaker Martin Romualdez ang paglalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P150 milyon tulong pinansiyal upang agad masaklolohan ang mga binaha sa Davao Region, bukod pa sa pagpapadala ng may kabuuang 51,000 relief packs para ipamahagi sa mga nasalanta.
Ang inilaan na financial assistance ay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD.
Kasabay nito, ginamit din ni Romualdez ang kanyang personal calamity funds upang agad makapagpadala—katuwang ang Tingog Party-list, sa pamamagitan ni Rep. Yedda Romualdez—ng 21,000 relief packs sa mga binaha.
Nakipag-ugnayan din ang tanggapan ng Speaker at ng Tingog Party-list sa DSWD upang makapagpadala ng 30,000 pang relief packs sa aabot sa 45,000 pamilya, o 187,000 indibiduwal, na apektado ng matinding pagbabaha sa Davao del Norte, Davao Oriental, at Davao de Oro.
“This is to reassure and let our kababayans in Davao Region know that the government of President Ferdinand R. Marcos Jr. is here and it is doing its best to alleviate their condition,” ani Speaker Romualdez.
Kahit pa binatikos ng mag-amang dating pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Baste Duterte si President Ferdinand Marcos Jr., na pinsan ng House Speaker, iginiit ng huli na hindi dapat maapektuhan ng anumang hidwaang pulitikal ang pagtulong at pagpapaabot ng gobyerno ng serbisyo publiko sa lahat ng taga-Davao.
“We cannot be sidetracked by political issues that distract us from our primary objectives. We need to ensure that work will continue and public service will reach the people, especially during these difficult times,” ani Speaker Romualdez.