Isinailalim na sa State of Calamity ang Agusan del Sur dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng buntot ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o Amihan.
Sinabi ni Provincial Board Member Edwin “Cox” Elorde, inilagay sa state of calamity ang probinsya matapos ang isinagawang emergency session ng Sangguniang Panlalawigan sa kapitolyo sa Patin-ay, Prosperidad.
Batay sa tala ng Office of Civil Defense -13, umabot na sa 9,875 pamilya o 34,947 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa 45 barangay sa probinsya gayundin sa Surigao del Sur.
Ang mga apektadong pamilya ay pansamantalang nanunuluyan sa 36 evacuation centers sa Agusan del Sur at isa sa Surigao del Sur.
Dalawang bahay sa Bunawan , Agusan del Sur ang nawasak dahil sa flashflood habang isa ang bahagyang napinsala. Karamihan sa mga naapektuhan ng baha sa Agusan del Sur ay mula sa mga bayan ng San Francisco, Rosario, Bunawan, Trento, Veruela, Loreto, Santa Josefa, San Luis at Talacogon.
Ang ilan ay mula naman sa Prosperidad, Esperanza at Sibagat. Kaugnay nito, umapela naman si OCD-13 Director Liza R. Mazo sa mga residente sa Caraga partikular na ang mga nakatira sa mababang lugar at malapit sa ilog na maging alerto at kung maari ay lumikas na at magtungo sa mga ligtas na lugar.
Ang walang tigil na pagbuhos ng ulan sa Caraga ay nagsimula noong Enero at nagresulta sa malawakang pagbaha sa Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Ulat ni Baronesa Reyes