“All systems go!”
Ito ang inihayag ng mga organizer ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge – Mindanao edition kung saan aabot sa 700 ang bilang ng mga big bikers na sasabak sa 1,200-km endurance run na dapat nilang tapusin sa loob ng 24 oras.
Ayon kay Vince Tagle ng BMW Owners Society of Safe Riders (BOSS), event organizer ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge, magte-take off ang mga participants sa General Santos City bago tahakin ang Sultan Kudarat, Malaybalay City, Gingoog City, Prosperidad, Cateel, Mati Park, Panubo, Davao City, bago bumalik sa General Santos City kung saan nasaan ang finish line.
Upang matiyak ang kaligtasan ng bawat participant, nakipagkoordinasyon ang BIMC organizers sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at maging sa ilan sa mga lokal na pamahalaan na kasama sa ruta ng endurance run upang maglatag ng kaukulang security measures at magtalaga ng emergency response teams.
Pinaalalahanan din ng BIMC organizers ang mga big bikers hinggil sa istriktong pagpapatupad ng traffic rules, partikular sa speed limit, sa mga daraanang lugar upang maiwasan ang sakuna.
Ang BIMC inendorso ng Philippine Motorcycle Tourism (PMT) dahil sa malaking tulong ng event sa paglago ng ekonomiya ng mga siyudad at munisipalidad na kabilang sa ruta. Ito na ang ikalawang pagkakataon na gaganapin sa Mindanao ang itinuturing na pinakamalaki at pinaka-bonggang motorcycle endurance run sa bansa.
Kabilang sa mga regular participants ng endurance run ay si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nakailang ulit nang naideklarang “Finisher.”