Inihayag ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na hindi ito isusumite ang kanyang sarili sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) at sa Pilipinong huwes lamang ito haharap sa ano mang kasong ihahain laban sa kanya.
“Hindi po ako lalahok o magiging parte ng isang prosesong hindi lamang magsasadlak sa kahihiyan sa bansa kundi dudurog din sa dignidad ng ating mga huwes, korte, at buong justice system ng Pilipinas,” sabi ni Duterte sa isang official statement.
Ang pahayag ni VP Sara ay bilang reaksiyon sa ibinulgar ni dating senador Antonio Trillanes IV na nakapasok na sa bansa ang mga kinatawan ng ICC at nagsagawa ng imbestigasyon sa mga umano’y “crimes against humanity” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan idinadawit din ang kanyang anak noong nanilbihan ito bilang alkalde ng Davao City.
“Huwag nating ipahiya ang bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga dayuhan na manghimasok at makialam sa Pilipinas,” giit ng Bise Presidente.
Ikinagulat din ni VP Sara ang pagkakadawit sa kanya sa isyu ng tinaguriang “Davao Death Squad” dahil hindi, aniya, ito nabanggit ni minsan noong siya ay alkalde at bise alkalde pa ng Davao City.