Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo na sinibak ang anim na pulis-Maynila para sumailalim sa imbestigasyon hinggil sa umano’y palpak na pagresponde ng mga ito sa isang robbery incident sa Sta. Mesa, Manila na naging viral kung saan ang suspek ay nakilalang si Felix Babon, 27-anyos.
Lumitaw sa viral video kung saan nalagay sa stand-off ang anim na pulis habang aarestuhin si Babon na nang-hold up umano sa pasahero ng isang jeepney na biyaheng Bacood-Quiapo. Naipit ang suspek sa loob ng jeep nang paligiran ang sasakyan ng anim na pulis na armado ng batuta at panangga.
At nang hatawin ng isang pulis si Babon gamit ang kanyang shield, sinundan ito ng pamamalo ng batuta ng kanyang mga kasamahan, dahilan upang pumalag ang suspek sa pamamagitan ng pag-agaw ng service firearm saka pinutukan ang isang miyembro ng arresting team sa binti.
Sinabi ni Fajardo na posibleng maharap sa kasong administratibo ang anim na pulis at sumailalim sa refresher course dahil sa kanilang “mala-circus” na istilo sa pagresponde na ikinasugat ng isang tauhan ng PNP.