Posibleng maulan sa Cebu sa darating na weekend kasabay ng selebrasyon ng Sinulog Festival 2024, ayon sa PAGASA-Mactan.
Bagama’t maaraw pa rin ang panahon sa Cebu na may bahagyang maulap na kalangitan, sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog, malamang sa umaga o hapon ang mararanasan sa lalawigan simula Miyerkules, Enero 17, hanggang Lunes, Enero 22.
Sinabi ni Engr. Al Quiblat, hepe ng PAGASA-Mactan, magiging maulan na panahon na nararamdaman sa Cebu at sa buong Central Visayas ay dulot ng hanging amihan o northeast monsoon.
Bukod pa rito, ang bilis ng hangin at kondisyon ng tubig sa baybayin ay tinatayang nasa 20 hanggang 40 kilometro kada oras, na magreresulta sa banayad hanggang sa katamtamang alon sa karagatan.
Sa kabutihang palad, walang inaasahang gale warning sa weekend ng Sinulog.
Ulat ni Henry Santos