Posibleng magpatuloy hanggang sa Pebrero ang nararanasang malamig na temperatura dahil sa epekto ng Northeast Monsoon (Amihan), sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Enero 15.
“Ilang araw na rin tayong nakakaranas ng malamig na temperature. Posible pa rin tayong makaranas ng ganitong temperatura hangga’t umiiral ang kasalukuyang Amihan, na posibleng umabot sa kalagitnaan ng Pebrero,” ayon sa assistant weather services chief na si Chris Perez.
Samantala, sinabi ng PAGASA na ang Amihan ay maaaring magdala ng maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region.
Gayundin sa bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang mga pag-ulan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, at ilang bahagi ng Visayas.
Ang shear line na nakakaapekto sa northern at eastern sections ng Mindanao ay maaaring magbunsod ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Southern Leyte, Caraga, Northern Mindanao, at Davao Region.