Binalewala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga pambabatikos mula sa iba’t ibang sektor dahil sa kanyang kakaibang istilo sa pag-anunsyo ng class suspension na, ayon sa mga netizen, ay pambabastos sa ahensya na kanyang pinamumunuan.
“Kasama na ang bashers, pero ang mahalaga at least na-inform ko ang public kung ano ang kailangan nilang malaman kung saan dapat ang hazard areas, sino ang dapat hindi pumasok,” sabi ni Remulla.
Kabilang sa mga bumatikos kay Remulla, na sumikat sa mga kanyang post na “Walang Pasok” noong siya ay nanunungkulan pa bilang gubernador ng Cavite, ay ang aktor na si Jake Ejercito.
Ayon sa aktor, hindi dapat idaan sa biro ang pag-aanunsyo ng classes suspension dahil ito ay natataon na nasa peligro ang mga mamamayan dahil sa banta ng umiiral na masamang lagay ng panahon.
“He is entitled to his opinion, but sanay na ang tao sa akin with the way I am posting in Cavite, and I think the country will get into it eventually kung paano ako makipag-communicate sa tao,” sabi ni Remulla sa panayam ng ABS-CBN nitong Miyerkules, Hulyo 23 ng umaga.
Binigyang-diin pa ni Remulla na wala siyang balak na baguhin ang kanyang istilo ng pag-aanunsyo ng “Walang Pasok” dahil dati na siyang binabatikos tungkol dito.
“Para sa akin, point taken na galit sila sa akin, pero point din sa akin na nalaman ng public kung ano ang dapat nilang malaman,” he added.
