Nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa posibleng landslide, pag-agos ng debris, at biglaang pagbaha sa ilang lugar sa Luzon bunsod ng malalakas na pag-ulan dulot ng low pressure area (LPA) at Southwest Monsoon o Habagat.
Sa inilabas na advisory ng MGB nitong Huwebes, Hulyo 3, tinatayang 252 barangay sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Zambales, Bataan, Apayao, Kalinga, at Ilocos Sur ang may mataas na posibilidad na makaranas ng mga nabanggit na panganib.
Dagdag ng ahensya, ang iba pang lalawigang apektado ng LPA at Habagat batay sa mga abiso ng PAGASA ay pinapayuhang magpatupad na ng kaukulang paghahanda.
Samantala, ang Metro Manila ay may 412 barangay sa Manila, Marikina, Pasig, Quezon City, Caloocan, Novaliches, Navotas, at Malabon na maaaring makaranas ng parehong mga geohazard.
Ulat ni Britny Cezar
