Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes, Nobyembre 6, ang deklarasyon ng state of national calamity bunsod ng malawakang pinsalang dulot ng bagyong “Tino” sa iba’t ibang rehiyon sa bansa at bilang paghahanda sa paparating na bagyong “Uwan.”

“Because of the scope of, shall we say, problem areas that has been hit by ‘Tino’ and will be hit by ‘Uwan,’ there was a proposal from the NDRRMC, which I approved, that we will declare a national calamity because ilang regions na ‘yan,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sa isinagawang situation briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City, pinagtibay ni Pangulong Marcos ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng state of national calamity.

Dagdag pa ni Marcos, kasalukuyang pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagde-deploy ng karagdagang mga tauhan upang tumulong sa isinasagawang rescue at relief operations sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong “Tino,” at bilang paghahanda sa posibleng epekto ng “Uwan” sa Northern Luzon.

Samantala, nagbigay ang Office of the President (OP) ng ₱760 milyon bilang financial assistance sa mga lokal na pamahalaan na apektado ng bagyong “Tino.”

Ulat ni Britny Cezar