Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin para kay Batangas 6th District Rep. Ralph Recto na itinalaga bilang bagong kalihim ng Department of Finance (DOF) sa seremonya na ginanap sa Malacanang ngayong Biyernes, Enero 12, ng hapon.
Pinalitan ni House Deputy Speaker Ralph Recto si Benjamin Diokno na naiulat na babalik sa kanyang puwesto sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ang pagkakatalaga kay Recto sa DOF ay nangyari isang araw matapos niya ipagdiwang ang kanyang ika-60 kaarawan. Dumalo rin sa oath taking ceremony na ginanap sa Palace grounds ang kanyang misis na si dating Lipa City Mayor Vilma Santos-Recto.
“He will be a major player as we stay in the path of growth and even surpass our medium-term target,” pahayag ni Marcos.
Aniya, makatutulong din si Recto sa pagpapasimple ng pagbabayad sa buwis at sa epektibong at malinis paglalaan ng nakolektang pondo sa mahahalagang proyekto upang matamasa ng mga taxpayer ang kanilang iniambag sa kaban ng bayan.
Si Recto ang may akda ng expanded value added tax (EVAT) law noong termino ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Itinalaga rin siya ni GMA bilang kalihim ng National Economic Development Authority (NEDA) noong Hulyo 2008.
“I am pleased to announce that I will be turning over my seat as Finance Secretary to Deputy Speaker Ralph Recto,” sinabi ni Diokno sa kanyang unang kalatas.
Samantala, nanumpa rin sa tungkulin kay Pangulong Marcos si Frederick Go na naitalaga bilang Secretary of the Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA).