Bubuhos ang tulong ng Department of Health ang Baguio City sa pagkontrol sa pagtaas ng kaso ng diarrhea kasunod ng pagdedeklara ni Mayor Benjamin Magalong ng gastroenteritis outbreak sa lungsod.
Sa tala ng DOH Epidemiology Bureau, tumaas ang kaso ng diarrhea sa lungsod simula noong Disyembre 21, 2023.
Iniulat din ng Center for Health Development –Cordillera Administrative Region na mula Disyembre 21,2023 hanggang Enero 7, 2024 ay umabot na sa 308 ang naitalang kaso ng diarrhea at 11 sa mga ito dinala sa iba’t ibang pagamutan.
Habang hinihintay ang resulta ng epidemiologic investigation ay bibigyan ng malinis at potable water ang mga residenteng nakatira sa mga apektadong barangay .
Payo ng DOH sa mga residente, ugaliing pakuluin ng dalawang minuto ang tubig bago gamitin. Maari din anilang gumamit ng chlorine-based water disinfection solution o tablets na mabibili sa mga health centers.
“Water may be boiled for two minutes (start timer after water comes to a rolling boil). The use of chlorine-based water disinfection solution or tablets, if available in health centers, is also recommended,” pahayag ng DOH.
Umapela din ang DOH sa mga residente ng iulat ang anomang pagbabago sa kulay at amoy ng tap water sa kanilang bahay. Sa sandaling makaranas ng sintomas ng diarrhea, pinapayuhan ang publiko na uminom ng malinis na tubig na may kasamang oral rehydration solution o oresol at agad na komunsulta sa doctor.
Ulat ni Baronesa Reyes