Nakakuha ng kopya ang Pilipinas Today ng dokumento na ginagamit umano para mangalap ng pirma para sa pag-babago ng Konstitusyon, mas kilala bilang Charter Change o cha-cha.
Nakasaad sa dokumento na ito ay petisyon na ihahain sa Commission on Election (Comelec) para baguhin ang Article XVII, Sec 1 (1) ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Peoples Initiative.
Ayon sa dokumento, anumang amendment o pagbabago sa Konstitusyon ay maaring gawin ng Kongreso, sa pagboto ng three-fourths ng mga miyembro nito, parehong boboto sa panawagan ng Senate President o House Speaker.
Nakasaad rin sa dokumento na naiintindihan at nauunawaan ng mga pumirma ang layunin nito, at pinapahintulutan ang isang “Atty. Anthony Abad” na mag-file ng nasabing petisyon.
Ilang mga residente ng Quezon City ang lumagda na sa dokumento dahil sa umano’y inakalang ito ay para sa kanilang matatanggap na ayuda.
Isang empleyado ng City Hall ang nangangalap ng lagda mula sa mga botante at sabay na inaalam ang kanilang precinct number.
Utos raw umano ito ng Barangay Community Relations Department ng Quezon City Hall. Nakarating na umano kay Quezon Mayor Joy Belmonte ang pangangalap ng lagda ng mga kongresita sa lungsod pero hindi umano ito pinaalam sa kanya.