Muling nanawagan si Benguet Rep. Eric Yap sa mga restaurant, lokal na negosyo, at lokal na pamahalaan sa kanilang lugar na bilhin ang oversupply na gulay mula sa mga magsasaka.
Sinabi nito na muli namang nahaharap sa malaking hamon ang mga magsasaka sa probinsya ng Benguet sa kung saan nila ibebenta ang kanilang sobrang gulay.
Pinunto ng mambabatas na taun-taon na lamang ay ganito ang kanilang problema.
“We are appealing to restaurants, local businesses, LGUs, even cities in Metro Manila to help with short term measures such as in purchasing oversupply of vegetables from Benguet. Also, we hope that you can purchase the produce in relatively advantageous prices for our farmers,” sabi ni Yap.
Kasunod nito nanawagan si Yap sa mga kasamahang mambabatas na dinggin at ipasa na ang ilan sa inihain niyang panukala bilang pangmatagalang solusyon sa naturang problema.
Kabilang dito ang House Bill 316 kung saan aatasan ang mga government institutions gaya ng kulungan at ospital at food service establishments (mga restaurant, hotel, resort, catering service, atbp) na direktang bilhin ang ani ng mga magsasaka para sa paghahanda ng pagkaon at House Bill 3382 kung saan bibilhin ng LGU ang ani ng mga lokal na magsasaka para maipamahagi sa feeding program at relief operation.
Ulat ni Henry Santos