Sinampahan na ng kaso ni Philippine National Police (PNP) chief Benjamin Acorda Jr. ang isang dating sundalo na ngayon ay isang vlogger na nagpakalat ng litrato na may pekeng caption na humihiling na bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bukod kay Chief PNP, nasa pekeng litrato rin si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na dakong 12:30 ng tanghali ay nagtungo si Chief PNP sa Quezon City Prosecutors Office upang isampa ang kaso laban kay retired Army Gen. Johnny Macanas.
Kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o mas kilala sa Unlawful Means of Publication as amended by Republic Act No. 10951 in relation to Section 6 of the Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isinampa sa dating sundalo.
“Ang sinampa po nating kaso ay dahil sa pagpapakalat po ng hindi totoong information na ang ating Chief PNP ay nag-withdraw na po ng support sa ating President at hinihikayat ang ating Presidente na mag-resign,” paliwanag ni Fajardo.
Una nang nilinaw ng PNP na walang katotohanan ang kumakalat na umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon ni PBBM na kumalat sa social media.
Nakipag-ugnayan narin aniya ang PNP asa AFP para sa iba pang impormasyon kaugnay ng isyu ng destabilisasyon at sa ngayon ay wala naman siang namo-monitor.
“Sa ngayon, wala naman po tayong namo-monitor na any destabilization plot kagaya po ng naririnig natin lately,” paliwanag ni Fajardo.
Ulat ni Baronesa Reyes