Sa isang kalatas ngayong Lunes, Enero 29, hiniling ni dating senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan sa kampo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte na itigil muna ang bangayan at unanin ang pagresolba ng kahirapan sa bansa.
“Buong pagpapakumbaba kong hinihimok sina Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulong Rodrigo Duterte na maglaan ng kahit sandaling panahon para sila’y magkasama at makapagsagawa ng isang makabuluhang talakayan tungkol sa mga isyu at alalahanin ng ating bansa sa kasalukuyan at sa hinaharap,” ayon kay Honasan.
Ayon sa dating senador, hindi makabubuti sa bansa ang pagkakahati-hati ng mga Pinoy dulot ng umiinit na usapin sa charter change na natuloy sa bangayan ng mga lider ng bansa at ibang pulitiko.
“I have stood at the gates of the Presidential Palace in full combat gear many times in my life, both as a defender and attacker, driven by my conscience rather than an invitation or adventurism. Pagmamahal sa Bayan at mga mamamayan ang palagi’t palaging nagtutulak sa akin bilang isang sundalo, bilang isang public servant, at bilang isang ordinaryong mamamayan,” ayon kay Honasan, na nagsilbing kalihim ng Department of Communications and Information Technology (DICT) noong termino ni Pangulong Duterte.
“Naniniwala ako na lahat tayo’y may kakayahang iwasan ang mga panganib ng digmaan o hidwaan at ang mga pinsalang dulot ng pagkakawatak-watak ng ating bansa,” dagdag ni Honasan.
Matatandaan na ilang ulit nakulong si Honasan matapos maglunsad ng serye ng coup de ‘etat bilang lider ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) noong termino ng yumaong Pangulong Corazon C. Aquino.