Hindi lamang ang mga mahihirap ang maaaring mabiyayaan mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, bukas ang AICS para sa lahat ng Pilipino na nakakaranas ng krisis tulad ng life-threatening illness.
“Hindi namin tinitingnan kung mayaman o mahirap basta mamamayan ka ng republika at kailangan mo ng tulong pinansyal dahil may pinagdaraanan kang krisis medikal ay talagang tutulungan ka,” ayon kay DSWD secretary Rex Gatchalian.
“Lahat pwedeng lumapit. Maaaring ngayon ay nakakagaan tayo pero biglang nagkaroon ng malubhang sakit sa pamilya. Hindi mo naman na-program. Nasa krisis ka na technically speaking,” sabi ni Gatchalian.
Nagbigay ang DSWD ng tulong pinansyal na P100,000 hanggang P300,000 sa mga indibidwal na nasa crisis situation, ani ni Gatchalian.
Mababasa sa website ng DSWD, ang AICS ay nagbibigay ng “immediate response to cases of individuals and families in crisis situation through the provision of financial and material assistance.”