Nagkasundo ang lokal na pamahalaan ng Maynila at mga nangangasiwa sa Quiapo Church na ipatupad ang paggamit ng face mask at social distancing sa mga papasok sa simbahan sa paggunita ng Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon sa Manila City government, mamimigay din ng libreng face mask ang mga volunteer groups sa mga deboto na magsisimba sa Minor Basilica of Jesus Nazarene kasabay ng Traslacion.
Hindi naman nabanggit ng city government sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna ang bilang ng mga deboto na papayagang makapasok sa Quiapo Church para magsimba sa pagpapatupad ng social distancing para makaiwas sa COVID-19.
Kasabay nito, ilalagay din ng Department of Health (DOH) sa “code white” ang mga pampublikong ospital sa Maynila sa para agad na makatugon sa mga pangangailangang medikal ng mga makikibahagi sa Traslacion.
Samantala, sinimulan na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Manila City government ang road clearing operations sa ruta ng Traslacion ng Itim na Nazareno na gaganapin sa Enero 9.
Sinabi ni MMDA acting chairman Atty. Don Artes na kabilang sa mg ana-impound na sasakyan ay mga illegally-parked e-tricycle, motorsiklo, kotse at truck. Limamput walong sasakyan ang naisyuhan ng traffic violation ticket habang 22 iba pa ang hinatak dahil sa iba’t ibang paglabag.
“A total of 850 personnel will be deployed to assist in traffic management, public safety, maintenance of peace and order, emergency response operations, and clearing operations,” ani Artes.