Isang bank client ang nasawi habang anim na iba pa ang sugatan matapos dumiretso sa loob ng isang bangko sa Quirino Highway, Quezon City ang isang Toyota Fortuner nitong Huwebes, Desiyembre 28.

Batay sa CCTV footage na inilabas ng Quezon City Police District, nagtuluy-tuloy ang SUV sa lobby ng gusali hanggang umabot sa mga teller booth.

Dalawang bank teller at limang mga kliyente ng bangko ang sugatan sa insidente at dinala sa pinakamalapit na ospital subalit binawian din ng buhay ang isa sa kanila matapos ang ilang oras.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Rosali dela Cruz, isang kliyente ng naturang bangko. Samantala, kabilang sa mga sugatan ay sina Liza Janap, Maria Papio at Hermie Ocampo, pawang mga bank clients; at sina Dorothy Castillo, Jessica Susano at Edilberto Lazarez, isang security guard.

Base sa imbestigasyon silinyador ang naapakan ng driver imbes na brake pedal, dahilan para rumatsada ito sa loob ng bangko.

Nasa kustodiya na ng Traffic Sector 2 ang driver ng SUV na nakilalang si Edwin Balisong , 57-taong gulang, residente ng Bristol St., Barangay North Fairview.

Ayon sa QCPD, bago dumiretso sa loob ng bangko ay nabangga ng driver ang isa pang Mitsubishi Adventure na nakaparada sa labas ng nasabing bangko.