(Photo courtesy of Apayao PIO)
Anim katao ang pinangangambahang nalibing nang buhay matapos na matabunan ng lupa ang kanilang bahay sa landslide dulot ng bagyong ‘Egay’ sa Northern Luzon.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naganap ang insidente sa Lubong Butao, Calanasan, Apayao nitong Martes, Hulyo 25.
Sinabi ni Apayao Gov. Elias C. Bulut Jr., nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operation para sa mga biktima.
Nakikipagtulungan din ang lokal na pamahalaan sa mga residente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima na kinabibilangan ng dalawang babae, isang walong taong gulang na bata, at tatlong kalalakihan.
Paliwanag ng gobernador, pinalambot ng walang tigil na pag-ulan ang lupa sa bundok, dahilan upang gumuho ito at matabunan ang mga bahay na kinaroroonan ng mga biktima.
Sa ngayon, nahihirapan ang search and rescue teams sa paghanap sa mga biktima dahil sa kakulangan ng gamit at pabugsu-bugsong pagulan sa lugar.
Tumulong na rin ang militar sa paghahanap ng anim na nawawalang residente, dagdag pa sa ulat.
—Baronesa Reyes