Sinibak sa puwesto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawa tauhan nito kaugnay sa nangyaring paglubog ng isang motor banca sa Binangonan, Rizal, noong Huwebes, Hulyo 27, kung saan nasawi ang 26 katao.
Ayon kay PCG Spokesperson Arman Balilo, nagsagawa sila ng imbestigasyon kasama ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa malagim na insidente na nangyari sa kasagsagan ng Super Typhoon “Egay”.
Batay sa naunang pagsisiyasat, pinayagan umano ng mga tauhan ng PCG na maglayag ang M/B Aya Express dahil ibinaba na ang Tropical Cyclone Wind Signal sa lugar. Binayo umano ng malakas na hangin kasabay ng malakas na buhos ng ulan ang bangka dahilan upang tumaob ito at lumubog halos 560 kilometro ang layo sa Barangay Kalinanawan, noong Huwebes.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na bagamat may 42 seating capacity ang motorbanca, hindi bababa sa 60 ang sakay nitong pasahero. Aminado din ang kapitan ng M/B Aya Express na 22 lamang ang nagrehistro sa passenger manifest.
Sinabi naman ni Binangonan Mayor Cesar Ynares na maaring imbestigahan din ang PCG dahil sa posibleng kapabayaan na natuloy sa malagim na trahedya.