Naniniwala ang liderato ng 55th Infantry Battalion na napigilan nila ang pag-atake ng puwersa ng Dawlah-Islamiyah Maute Group sa kampo ng Bravo Company nito sa naganap na engkuwentro sa Sitio Manukan, Barangay Dilimbayan, Maguing, Lanao del Sur, noong Disyembre 28.
Sinabi ni Lt. Col. Don Villanueva, commanding officer ng 55th Infantry Batalion, na isang pinaghihinalaang miyembro ng Dawlah-Islamiyah ang napatay sa naganap na bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at limang armadong terorista dakong ala-3 ng madaling araw sa Sitio Manukan.
“This attack however was doomed to fail. An alert soldier on duty fights off the attackers in a firefight which only lasted in less than five minutes,” pahayag ng militar.
Nabawi ng mga sundalo sa napatay na suspek ang isang M-16 rifle na may limang magazine at 116 na bala.
“Security knows no holiday. We must always be ready to defend our people,” ani Villanueva.
Samantala, nakikipagtulungan ang 55th IB sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Scene of the Crime Operations (SOCO) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Maguing para matukoy ang pagkakilanlan ng napatay na terorista.