Ligtas nang matagpuan ng isang Chinese fishing vessel ang 31-anyos na mangingisdang Palaweño na si Rosalon Cayon.

Matapos ang walong araw na palutang-lutang sa karagatan gamit ang balsang yari sa Styrofoam, natagpuan ng isang Chinese fishing vessel ang 31-anyos Rosalon Cayon.

Kuwento ng kapatid nitong si Che Cayon, Disyembre 23, 2023 nang lumubog ang bangkang sinasakyan ng kanyang kapatid sa Bataraza, Palawan.

Nagamit pa umano ni Cayon ang Global Positioning System (GPS) ng kanyang telepono bago pa tuluyang nawalan ng signal, at narating ang Commodore Reef o Rizal Reef sa West Philippine Sea (WPS).

Apat na araw umanong wala itong makain dahil naubos na raw ang ilang isdang “tuyo o daing” na kaniyang ibinilad sa araw at baong inuming tubig nito.

Ika-31 ng Disyembre nang matagpuan si Cayon ng mga Chinese na sakay ng isang fishing vessel na mahina na ang pangangatawan sa mababaw na bahagi ng Rizal Reef.