Apat katao ang nasugatan matapos na mag-crash ang isang pribadong helicopter sa isang banana plantation sa Lantapan, Bukidnon.
Isa sa mga biktima ay nakilalang si Captain Jared Hoewing na nagtamo ng minor injuries.
Batay sa inisyal na ulat, nag-crash landing ang R44 Raven helicopter na ino-operate ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS), matapos na magsagawa ng emergency landing sa Sitio Babahagon, Lantapan, Bukidnon.
Ang helicopter na may registry number na RP-CI89 ay patungo sana sa Mountain view college dakong alas-9:45 ng umaga nitong Huwebes, Hulyo 27.
Lulan ng helicopter ang dalawang piloto at dalawang pasahero.
Maswerte namang hindi malala ang natamong sugat ng mga biktima.
Sinabi naman ni CAAP spokesman Eric Apolonio, hindi umano naghain ng flight plan ang PAMAS kaugnay ng kanilang operasyon, dahilan upang magsagawa sila ng imbestigasyon.
Sa ulat naman ng PAMAS, ang helicopter ay nag-take off sa Larugan Airfield sa Valencia City Bukidnon kasama ang pilotong si Captain Jared Hoewing.
Sa taas ng 3,000 piye (feet), nagsimulang mawalan ng power ang helicopter dahilan upang magsagawa ang piloto ng emergency landing sa banana plantation na may layong 5-kilometro mula sa airfield.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
—Baronesa Reyes