Labing walong taxi driver at dalawang habal-habal riders ang nahuli ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) sa pinaigting na operasyon ng ahensiya laban sa mga colorum vehicles at cab drivers na namimili ng isasakay na pasahero nitong Miyerkules, Disyembre 20, ng gabi.
“Hindi na uubra ngayon ang maling kalakaran na mamimili kayo ng pasahero at tatagain nyo pa sa bayad. At lalong hindi puwede na wala kayong prangkisa pero ibi-byahe ninyo ang mga sasakyan ninyo,” ayon kay Mendoza .
Mismong si Mendoza ang namuno sa operasyon sa SM City North EDSA sa Quezon City na nataon sa rush hour at dagsa ang mga commuter sa lugar.
Ilang mga taxi driver ang nagdahilan na pauwi na sila kaya pumipili na lang sila na pasahero na ang ruta ay madadaanan habang papunta sa kanilang lugar habang ang iba ay walang maipakitang valid franchise documents.
“I expect all Regional Directors heads and our Law Enforcement Service teams to intensify the campaign for the rest of the Holiday season dahil hindi titino ang mga ito, hindi susunod sa batas ang mga ito hanggang hindi nasasampolan,” dagdag niya.
“Matagal na nating naririnig ang mga reklamong ito at tayo mismo ay naging biktima ng ganitong klaseng kalakaran. Kaya sinabi ko sa sarili ko na mabigyan lang ako ng pagkakataon ay talagang pagtutuunan ko ito ng pansin,” giit niya.