Tinanggal sa puwesto ang isang pulis na umano’y gumitgit sa isang pampasaherong bus nang bigla nitong kinabig ang kanyang patrol car sa loob ng EDSA Bus Lane sa Quezon City nitong Miyerkules, Disyembre 27, na ikinasugat ng limang pasahero.

Sinabi ni Col. Jean Fajardo, chief information officer ng Philippine National Police, na ang driver, na isang pulis, ay mahaharap sa mga administrative charges dahil sa paglabag sa traffic laws na naglagay sa mga pasahero sa peligro.

Bagamat hindi niya pinangalanan ang pasaway na pulis, sinabi ni Fajardo na nakatalaga ito sa National Police Training Institute sa Calamba City, Laguna.

Sinabi ni Quezon City Police District Director Brig. Gen. Redrico Maranan na binigyan ng traffic violation ticket ang pulis dahil sa reckless driving. Posibleng maharap din ang pulis sa criminal complaint, ani Maranan.