Inaresto at sugatan ang isang holdaper matapos subukang holdapin ang dating MMA (mixed martial arts) fighter sa isang condominium building sa Cubao, Quezon City nitong Sabado, Disyembre 16.
Sinabi ni Lt Col. June Abrazado, Station Commander ng Cubao Police Sub-station, umupa ng condo unit ang tatlong lalaki upang makipagtransaksiyon sa dating MMA Fighter na si Patrick Gambe, at sa kanyang asawa.
“According sa ating victim, tinutukan sila ng baril ng dalawang lalaking nakipag-transact sa kanya. And noong about na gagapos na sila, itong victim nila na lalaki happens to be a former MMA fighter,” sabi ni Abrazado.
“Noong tinutukan na ng baril ang kanilang asawa, na-subdue niya ang suspect na may dalang 9mm na baril. Unfortunately nabaril sya ng suspek. Tinamaan ung victim natin sa binti, pero nakita naman natin na through and through ang bala so nagawa nya pa rin i-subdue yung suspect,” ani ni Abrazado.
Arestado ng Quezon City Police Station 7 ang isang suspek habang tinutugis naman ang dalawang iba pa na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa impormasyon ng pulisya, ang umano’y modus operandi ng mga suspek ay mag-book ng isang kwarto at doon sila mangunguha ng mga negosyanteng nag-aalok ng mamahaling produkto.
“We believe it is a modus kasi ung mga suspects may dalang panggapos, may fake pellet gun, may totoong baril na ginamit talaga sa panghoholdap at fake grenade. We think prepared itong mga suspects sa gagawin nila,” dagdag ni Abrazado.