Sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence Group (IG) at BOC Cagayan de Oro, na-intercept ang dalawang luxury vehicles na tinangkang ipuslit bilang “used truck replacement parts” sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental, noong Disyembre 15.
Dumating ang shipment na may kargang dalawang Porsche sport cars mula Korean noong Disyembre 12. Lumitaw sa imbestigasyon ng BOC na naka-consign ang dalawang high-end cars sa M. Aguila Car Trading.
Sinabi ng Customs authorities na ideneklara ng consignee ang dalawang Porsche bilang “1,045 pieces of truck replacement parts.” Nang magsimulang magduda ang Customs examiner, isinalang ang container sa spot check examination kaya nabuking ang dalawang mamahaling sasakyan.
Naglabas na rin ang BOC ng warrant of seizure and detention sa illegal shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.