Sugatan ang pitong katao matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyang SUV sa Maharlika highway, Barangy Bagong Silang, Calauag, Quezon.

Nakilala ang mga biktima na sina Naprel Santiago, driver ng van, at mga pasaherong sina Jocelyn Ervas, Marlyn Marangot, Christopher Santiago at tatlong menor de edad.

Batay sa ulat ng Quezon-PNP, naganap ang insidente dakong 6:45 ng umaga nitong Lunes, Disyembre 18, sa Maharlika Highway sa nasabing bayan.

Lulan umano ang mga biktima ng isang Toyota Innova na may plakang NAN-2440 na minamanaho ni Santiago.

Ayon sa ulat, binabaybay ng sasakyan ang pataas at palikong bahagi ng kalsada nang biglang mawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan dahilan upang ito ay bumulusok sa bangin.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa insidente at dinala ang mga biktima sa Saint Peter General Hospital. Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP upang bigyang linaw ang insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes