Sinabi ng pamunuan ng Metro Pacific Tollway Corporation (MPTC) na inilagay na ang MPTC-South, na nakasasakop sa Cavite Expressway (CAVITEX) at Cavite-Laguna Expressway (CALAX) sa “high-alert” status kaugnay sa inaasahang paglobo ng mga sasakyang daraan sa dalawang pasilidad sa holiday season.
“(For CAVITEX) The average daily traffic count is projected to increase to 208,000 vehicles, up from the current 181,000. Meanwhile, for CALAX, MPT South expects a significant 35% increase in traffic, rising to 47,000 from last year’s 35,000 figures,” ayon sa kalatas ng MPTC.
Dahil dito, muling inilunsad ng MPTC ang taunang ‘Safe Trip Mo, Sagot Ko’ motorist assistance program sa mga sumusunod na petsa: ala-6 ng umaga ng Disyembre 22 hanggang ala-6 ng umaga ng Disyembre 24, 2023; ala-6 ng umaga ng Disyembre 26 hanggang ala-6 ng umaga ng Disyembre 27, 2023, at ala-6 ng umaga ng Disyembre 30, hanggang 6AM ng Enero 2, 2024.
Dadagdagan nito ang on-ground personnel gaya ng traffic marshall, toll assists, standby emergency medical services, at incident response teams na tutugon sa mga nangangailangang motorista.
Mayroon ding free towing service sa mga light vehicles (Class 1) hanggang sa pinakamalapit na toll exit na magkakaaberya sa holiday season.