Patay ang apat na magpipinsan, kabilang ang tatlong menor de edad, habang tatlo pa ang nasugatan matapos na masunog ang isang residential area sa Talaba 2, Bacoor City, Cavite, nitong Biyernes, Disyembre 15, ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 3:00 ng madaling araw at naapula bandang 5:21 ng madaling araw.
Sa datos ng BFP, nasa 70 bahay ang tinupok ng apoy kung saan aabot sa 100 pamilya ang naapektuhan.
Pansamantalang nanunuluyan sa Talaba 4 Elementary school at gymnasium ng barangay ang mga naapektuhang pamilya.
Sa ngayon, sumingaw na LPG ang sinasabing dahilan ng sunog na mabilis na kumalat at tumupok sa ilan pang bahay sa lugar. Sa inisyal na pagtaya ng BFP, aabot sa P2.2 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
Ulat ni Baronesa Reyes