(Screen capture from PCG video)
Nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga posibleng survivor ng M/B Aya Express, na lumubog hindi kalayuan sa pantalan ng Barangay Kalinawan, Binangonan, Rizal nitong Huwebes, Hulyo 27.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), aabot sa 30 ang nasawi matapos lumubog ang bangka sa kasagsagan ng ulan at malakas na hangin na humambalos sa Laguna Lake dakong 12:30 ng hapon.
Sa interview ng Unang Balita ng GMA-7, inihayag ni Rear Admiral Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, na 26 na pasahero ang kumpirmadong patay habang mahigit 40 iba pa ang pinaghahanap pa rin ng mga Coast Guard scuba divers sa pinangyarihan ng insidente.
Ani Balilo, posibleng may mga pasaherong na-trap sa ilalim ng lumubog na bangka kaya nagpapatuloy ang kanilang search and rescue mission.
Iniulat din ng PCG na nahihirapan sila sa pag-identify sa mga nasawi dahil nasa 20 pasahero lamang ang nakalista sa passenger manifest.
Lumilitaw sa pahayag ng ilang survivor sa trahedya na halos lahat ng pasahero ay hindi nakasuot ng life vest nang mangyari ang insidente kahit na mayroon naman nito sa bangka.
“Ang mga life vest ay nakalagay lang sa bangka, pero walang nakasuot (na pasahero),” pahayag ng isang survivor sa panayam.
Base sa pahayag ng ibang survivors, naipit din ang kanilang kasamahan sa tarpaulin sa gilid ng bangka, na dapat na magsisilbing panangga sa ulan at hangin, nang lumubog ito.
Puspusan na rin ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Binangonan sa paghahanap sa iba pang mga pasahero na posible ring tinangay ng agos ng lawa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng awtoridad ang kapitan ng M/B Prince Aya na nakilalang si Donald Añain.