Limang miyembro ng ISIS-inspired Dawlah Islamiya (DI) ang nasugatan matapos na bakbakan ng militar ang kanilang kuta sa Maguindanao del Sur, nitong Huwebes, Disyembre Disyembre7.
Dalawa sa mga nasugatang terorista ay nakilalang sina Halid Dimas at Alim Mindo.
Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng 602nd Infantry Brigade na nasa ilalim ng 6th Infantry Division (ID).
Batay sa ulat, naganap ang anti-terrorist operation ng militar nitong Huwebes kung saan ginamit ng militar ang makabagong electronic 155 Howitzer cannon mula sa Israel sa kanilang pag-atake .
Bukod dito, nagsagawa rin ng air assault ang militar sa kuta ng mga terorista na matatagpuan sa may 220,000 ektarya sa Liguasan Delta malapit sa mga bayan ng Pagalungan at Montawal sa Maguindanao del Sur.
Dahil sa operasyon, ilang mga residente sa lugar ang pansamantalang lumikas dahil sa takot na maipit sa bakbakan.
Ang operasyon ay ikinasa matapos na makatanggap ng ulat ang 6th ID mula sa mga local officials ng Pagalungan at Montawal sa Pikit, Cotabato hinggil sa kuta ng mga terorista sa Liguasan Delta.
Ayon sa ulat, tila nagpa-plano ang grupo na magsagawa ng panibagong karahasan na bibiktima sa ma inosenteng sibilyan sa Central Mindanao.
Ulat ni Baronesa Reyes