Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang mangingisda na lulan ng isang bangka na binangga dimuano ng isang Chinese vessel sa katubigan malapit sa Paluan , Occidental Mindoro, nitong Martes, Disyembre 5.
Nakilala ang mga nasagip na sina Junrey Sardan, Ryan Jay Daus, Bryan Pangatungan, Cristian Arizala at Joshua Barbas.
Batay sa ulat ng PCG, naganap ang insidente dakong 4:00 ng hapon nitong Martes. Nasa gitna umano ng dagat ang FBCA Ruel J nang mabangga ito ng MV TAI HANG 8 dahilan upang pasukin ito ng tubig at lumubog ang kaliwang bahagi nito.
Sa pahayag ng mga mangingisda, hindi sila hinintuan ng barko at nagpatuloy lamang ito sa paglalayag patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Pinayuhan na rin ng PCG ang kapitan at may-ari ng fishing boat na maghain ng reklamo para makapagsagawa ng imbestigasyon.
Siniguro din ng PCG na ipararating nila ang insidente sa flag state at port state control office ng MV TAI HANG 8 bilang pagsunod sa maritime incident procedures.
“The Coast Guard assured that the incident would be reported to MV TAI HANG 8’s flag state and Port State Control office in adherence to maritime incident procedures,” pahayag ng PCG.
Makikipag-ugnayan rin ang Coast Guard sa kumpanya ng barko para maikasa ang imbestigasyon at malaman kung ano ang totoong nangyari.
Ulat ni Baronesa Reyes