Umabot na sa 17 ang bilang ng mga nasawi matapos mahulog ang isang pampasaherong bus sa bangin sa Barangay Igbucagay, Hamtic, Antique, nitong Martes, Disyembre 5.

Ito ang kinumpirma ni Antique Governor Rhodora Cadiao habang pito pa ang sugatan batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Nangako naman ang Vallacar Transit, Inc (VTI), operator ng nahulog na Ceres Bus Lines, na makikipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Ayon sa VTI, nagpasa na sila ng ulat sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng insidente.

Sinuspinde na rin ng VTI ang 12 pang natitirang unit na Ceres bus habang gumugulong ang imbestigasyon.

“Vallacar Transit, Inc. would like to express its most heartfelt apologies to those who were involved in the incident. We would also like to send our sincerest condolences to the bereaved families.” pahayag ng kumpanya.

Nakahanda rin ang kumpanya na magbigay ng tulong pinansyal sa mga biktima at sa pamilya ng mga nasawi kabilang dito ang gastusin sa hospital at pagpapalibing.

Samantala, sinabi ni MDRRMO head Rafael Magbanua na ang lugar kung saan nahulog ang bus ay itinuturing na accident prone sa lugar .

Hindi, aniya, ito ang unang pagkakataon na may nahulog na sasakyan sa bangin dahil batay sa kanilang ulat nagkaroon na rin ng paherong aksidente noong 2018 at 2019 at para maiwasan na maulit ito ay pinalapad na ang kalsada sa apat na linya at naglagay na rin ng concrete barriers. Ang pinakahuling insidente ay naganap dakong 4:00 ng hapon matapos na mawalan ng preno ang bus.

Ulat ni Baronesa Reyes