Patay ang dalawang kilabot na pusher, na itinuturing na high value target (HVT) drug personalities ng pulisya, matapos na manlaban umano sa mga awtoridad sa ikinasang buy bust operation sa Tacloban City, Leyte.

Nakilala ang mga nasawi na sina Edilberto Nalda, 53, at Michaek Agner , nasa hustong gulang.

Na-recover mula sa dalawa ang limang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon at salapi.

Ang operasyon ay ikinasa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dakong alas-9:00 ng gabi sa naturang lugar.

Gayunman, sa gitna ng negosasyon ay naramdaman ng mga suspek na mga police operatives ang kanilang kausap kaya’t agad silang tumakbo sa loob ng kanilang bahay at pinaputukan ang mga ito.

Agad namang gumanti ng putok ng baril ang mga pulis na nagresulta sa kamatayan ng mga suspek.

Naaresto din ng mga pulis ang live-in partner ng isa sa mga suspek na nakilala lamang sa pangalang “Bong,” 34- anyos.

Sa ngayon ay nakakulong si “Bong” sa Tacloban City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ulat ni Baronesa Reyes