Pinagigting na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang operasyon laban sa Daulah Islamiyah terrorists sa Lanao del Sur.
Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na iniimbestigahan na rin nila ang ulat na ang grupo ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nasa likod ng pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City na kumitil sa buhay ng apat na indibidwal at ikinasugat naman ng mahigit 50 iba pa.
Sa ngayon aniya ay nakatutok ang AFP sa paghahanap sa mga taong nasa likod ng pagpapasabog.
“We’re still in the process of investigating this, we are looking at the signature of the bomb and (the) Philippine National Police already has persons of interest. Kaya tinitingnan po natin lahat yan. In the meantime your armed forces are already conducting a manhunt, a massive operation to go against the perpetrators of this incident,” pahayag ni Brawner.
Idinagdag pa ni Brawner na batay sa inisyal na imbestigasyon ng military at police explosive experts, lumalabas na ang ginamit sa pagpapasabog ay isang 60mm mortar round na may kasamang bala ng RPG o rocket propelled grenade.
Paliwanag ni Brawner, ang IED ay may kakayanang lumikha ng isang malakas na pagsabog.
Gayunman, sa ngayon ay wala pang nakikita ang PNP na anomang palatandaan ng cell phone o kahit na anong detonating device na ginamit sa pagpapasabog.
Hindi rin naman nila masabing isa itong gawa ng suicide bomber dahil wala aniya silang makitang remnants ng katawan ng tao sa explosion site.
“But the PNP said they did not see any traces of a cell phone or any device that could have triggered this bomb remotely. We are discounting the fact that it is suicide bombing because we do not see remnants of body parts or any indication that it is a suicide bombing,” paliwanag ni Brawner.
Ulat ni Baronesa Reyes