Ang pagpapahintulot ng China na matuloy ang execution ng dalawang Pilipinong nahatulan sa drug trafficking ay posibleng may kinalaman sa umiigting na paninindigan ngayon ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea, ayon sa isang political analyst.

Ayon kay Dr. Rommel Banlaoi, presidente ng Philippine Society for International Security Studies at board member ng China-Southeast Asia Research Center on the South China Sea, bagamat karapatan ng Chinese government na ipatupad ang mga batas nito, lagi raw nitong ikinokonsidera ang apela ng ibang mga bansa kaugnay ng execution nito sa mga dayuhan.

Gayunman, ang konsiderasyong ito na ibinibigay ng China ay nakadepende sa estado ng ugnayan nito sa umaapelang bansa.

“China can be considerate if we were considerate also. However, we did not pay due regard to China’s national position in the West Philippine Sea. It hardened China’s position when it came to the two Filipinos,” paliwanag ni Banlaoi.

Sabado, Disyembre 2, nang ianunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkaka-execute sa dalawang Pilipino, sa pamamagitan ng lethal injection, sa Guangzhou nitong Nobyembre 24, dahil sa pagbibitbit sa China ng 12 kilo ng shabu sa Guangdong noong 2013.

ByRAD