Nababahala si Philippine Coast Guard (PCG) spokesman for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela sa aniya’y paniniwala ng ilang netizens na tagasuporta ni Senator Robinhood Padilla sa narrative ng mambabatas sa usapin ng WPS na pumapabor sa China.

“Ang mga Pilipinong mangingisda ang na-water cannon, sila mismo ang na-injured, sila mismo ang nasiraan ng bangka. Para sabihing tayo ang nang-aaway, that’s a very misplaced statement,” banat ni Tarriela sa pahayag ni Padilla.

Matatandaang sinabi ni Padilla noong nakaraang buwan na wala naman umanong buti na naidudulot sa Pilipinas ang “pakikipagpaligsahan” at “pakikipag-away” sa China, partikular sa usapin ng WPS.

“Sana po lumamig na ang ulo natin sa usapin ng pakikipag-paligsahan sa Tsina. Sana magkaroon din ng puwang sa ating administrasyon na makipag-usap… Sana po dumating ang panahon na magising na tayo na wala po tayong makukuha sa pakikipag-away,” sabi ni Padilla, kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte—na kilalang malapit kay Chinese President Xi Jinping.

Para kay Tarriela, delikado para sa bansa ang nasabing konteksto ng pahayag ni Padilla, na malinaw umanong nakakaagrabyado sa mga Pilipino—lalo na sa mga mangingisda, mga tauhan ng PCG, at mga tauhan ng Philippine Navy na ilang beses umanong nalagay sa alanganin ang kaligtasan dahil sa mga pambu-bully ng China Coast Guard sa WPS.

‘“Parang naniniwala sila na kaya pala nagkakagulo sa West Philippine Sea kasi nang-aaway tayo, eh. I mean, that’s the danger of that narrative,” sinabi ni Tarriela sa ‘Facts First’ podcast ni Christian Esguerra, tinukoy ang ilang netizens na tagasuporta ng senador.

“If we’re not going to call that out, ang mga followers ni Senator Robin Padilla will think na wala tayong ginagawang pakikipag-usap, hindi tayo open sa diplomasya, close-minded tayo, tayo ang mainit ang ulo,” dagdag ni Tarriela.

Ibinigay na halimbawa ni Tarriela ang sinapit ng mga Pilipinong mangingisda na ginamitan ng water cannon ng mga barko ng China sa Escoda Shoal noong nakaraang buwan. Tatlo sa mga mangingisda ang nasaktan sa insidente.