Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board ang Wage Order No. RB-MIMAROPA-11 na may petsang Oktubre 24, 2023 para sa pagpapatupad ng P40 daily minimum wage increase sa mga empleyado sa MIMAROPA simula Disyembre 7, 2023.
Ang naturang order ay inilathala sa mga pahayagan nitong Martes, Nobyembre 21, at magiging epektibo ito matapos ang 15 araw mula sa date of publication, na papatak sa Disyembre 7.
Dahil dito, magiging P395 na ang daily minimum wage para sa mga establisimiyento na may 10 o higit pa na empleyado; at P369 para sa mga establisimiyento na hindi aabot sa 10 ang bilang ng mga empleyado.
Samantala, inilabas (moto proprio) din ng Regional Board ang Wage Order No. RB-MIMAROPA-DW-04, na nagtataas ng monthly minimum wage ng mga kasambahay ng karagdagang P1,000 kung saan papalo na ang buwanang sahod ng mga domestic helper sa rehiyon sa P5,500.