Dalawang katao ang nasawi dahil sa landslide dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dala ng shear line sa Eastern Visayas.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Region 8 Director Lord Byron Torrecarion, patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima. Nakapagtala din ang OCD ng 11 insidente ng landslide sa lugar bunga masamang panahon.
Apat na landslide ang naitala sa Catarman at Lope de Vega sa Northern Samar, dalawa sa Liloan at Bontoc sa Southern Leyte, dalawa sa Catbalogan City at Tagapul-an sa Samar, dalawa sa Jipapad at Oras sa Eastern Samar at isa sa Babatngon, Leyte.
Aabot naman sa 29 barangay sa Northern Samar ang pinalubog ng baha, 29 sa Samar at 23 sa Eastern Samar.
Batay sa ulat ng Provicial Disaster Risk Reduction and Management office (PDRRMO), nasa 54,000 katao o 24,000 pamilya sa Northern Samar ang inilikas dahil sa malawakang pagbaha.
Nauna nang inihayag ni Northern Samar PDRRMO Chief Rei Joshia Echano na 95 porsiyento ng mga barangay sa lalawigan ang pinalubog ng baha.
Kaugnay nito, inilagay naman sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Northern Samar dahil sa kalamidad.
Ulat ni Baronesa Reyes