Walang balak magpreno ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa kanilang 3-day national transport strike na nasa pangalawang araw na ngayong Martes, Nobyembre 21, ayon kay Piston national president Mody Floranda.
“Sasalubungin natin ang pagbabalik ni Marcos Jr ng pagpapatuloy ng ating malawakang welga dahil wala pang nagiging matinong sagot sa atin ang gobyerno,” pahayag ni Floranda sa social media.
Dahil dito, sinabi ni Floranda na determinado ang kanilang grupo na ituloy ang tigil pasada hanggang bukas bilang protesta sa December 31, 2023, deadline para sa franchise consolidation na matutuloy total phaseout ng traditional jeepney.
Bukas din magsisimula ang nationwide transport strike ng Manibela ni Mar Valbuena na tatagal hanggang Biyernes, Nobyembre 24.
Samantala, nanawagan ang PISTON sa lahat ng driver at operators ng pampublikong sasakyan pati na rin sa mga estudyante at trabahador na makibahagi sa kanilang kilos protesta dahil patuloy ang pagdedma umano ng gobyerno sa kanilang mga hinaing na may kinalaman sa sektor ng transportasyon.
Naniniwala rin ang PISTON na halos 90 porsiyento ng public transportation sa Metro Manila ang naparalisa sa unang araw ng tigil pasada nitong Lunes, Nobyembre 20.